Saturday, June 7, 2014

Sana Panaginip Lamang



“Sana Panaginip Lamang”
By: Conrad Carlo Venzon

Marami tayong hindi na pwedeng maibalik pa
Mga nasabi o di kaya ang ating mga nagawa
Sa ating mga nasaktan o di kaya mga napaasa
Sa mga pangako na hindi na matutupad pa

Ang bawat segundo ng ating buhay ay hindi dapat sayangin
Hindi dapat sayangin ang pagkakataon na ipinagkaloob sa atin
Dahil ang pinakamahirap pala na problem na haharapin natin bukas
Ang mga responsibilidad natin ngayon na hindi dapat natin pinalagpas

Paano kung napapaligiran na tayo ng mabigat na problema?
Malalagpasan pa kaya natin ito? Mareresolba pa kaya?
Kung pag-iisipan ng iba, tila napakadali lamang solusyunan, hindi ba?
Pero kung hindi naman ikaw ang may pasan, hindi mo malalaman talaga.

Naiinggit ako minsan sa mga taong alam kong sobrang masaya na
Ipinagdarasal ko na sana ako naman kung pwede ba
Sawang-sawa na ako sa araw-araw na kalungkutan
Tila mahuhulog na ang aking mga mata sa pag-iyak sa magdamagan

Ang dami kong naisip na plano kung maibabalik lamang ang nakaraan
Mag-aral ng mabuti, tila iyan ang unang kong hakbang
Sobrang dali lang pala kung pag-iigihan lang
Hindi tulad ngayon, hanggang imahinasyon na lamang

Ang ikalawang hakbang ko ay maging masunurin na anak
Para sa ina na ang gusto lamang para sa akin ay makapagtapos upang may hawak
Hawak na diploma ay sadyang ambisyon niya para sa akin noon
Isang ambisyon na naging panaginip na lamang ngayon

Kung bibilangin ko sa aking mga daliri ang aking mga problema
Kulang pa kahit isama ko pati ang mga daliri sa aking dalawang paa
Hindi ko na maisip kung bakit ako nagkaganito
Tila ang pinakamasaya na lamang sa aking buhay ay balikan ang mga alala ko

Ang parati kong panalangin sa Diyos ay sana magising ako sa nakaraan
Maimulat ang mga mata sa buhay na punungpuno ng kasaganahan
Sa panahon na nagsisimula pa lamang sa aking unang taon sa kolehiyo
Sa mga aksyon na dapat kong pinag-isipan at plinano

Sana noon pa lamang, ako’y nakapag-isip na
Sana noon pa lamang, nilayuan na ang mga masasamang barkada
Sana noon pa lamang, hindi ko nilustay ang kanyang pinaghirapan
Sana noon pa lamang, nabagsakan na ako ng bato para ako’y natauhan

Ngayon ako’y nagsisisi at hahihiya
Nahihiya sa mga kaedad ko na sobra nang masaya
Meron na silang sariling ipon, bahay, kotse at pamilya
 Samantala ako naman ay tumitingin lamang sa naipundar nila

Hinihiling ko na sana ang buhay ko ay isa lamang panaginip
Magigising na lang ako at doo’y makakapag-isip
Maaalala ko kung ano ang mangyayari kapag ako’y magpapabaya
Isiping maiayos ang buhay para hindi na lumuha ang aking mahal na ina