Wednesday, July 6, 2011

Oh buhay


Maraming bagay ang gusto ko lang malaman
Saan ba ang tama at dapat kong daanan?
Dito ba o doon? Para sana’y hindi na maulit
Mga pagkakamali ko’y kinalilimutang pilit

Isang madilim na sulok ang aking sandalan
Alaala ng kahapon ang aking hinahagkan
Balot na ng lungkot ang aking nasisilayan
Di ko na matanaw ang aking patutunguhan

Ang mundo ko’y nababalot ng malungkot na kahapon
Ngayon at bukas, tila’y akin nang itinapon
Ako’y napapaligiran ng mga mapagmahal na tao
Bakit ganun? Tila nag-iisa pa rin ako

Naaalala ko pa noong aking kabataan
Walang pakialam kung saan man ang aking madaanan
Dito man o doon, wala akong pakialam
Tutal naman, meron pa akong bukas na sasandalan

Araw-araw, problema’y hindi ko iniisip
Mga magulang naman ang parating sasagip
Sarap dito, sarap doon, kasarapang di matapos
Hanggang isang araw, kasarapa’y tila naubos

Pagkawala ng isang pinakamamahal ay walang kasing sakit
Luhang tumutulo sa aking mga mata’y walang kasing init
Mga kasayahan sa buhay ko’y tila nabura na
Di na kaya pang ngumiti kung wala na ang saya

Tila balot ng hinagpis ang bawat galaw ko
Nasa loob ng eskwelahan ngunit ang iniisip ay malayo
Parating sinasabi nila na kalimutan na ang lahat
Unti-unti ko raw tanggalin ang pasan kong kaybigat

Madaling sabihin, ngunit kayhirap gawin
Tila nakalimot na ko sa aking mga tungkulin
Ngunit meron pa namang nagmamahal na isa
Kalimutan ang kahapon, at ang ngayo’y ipagpatuloy na

Ilang taon na din noong nangyari ang trahedya
Tila nagwala nung makatungtong na sa iba
Nagsimula muli sa aking mga maling gawain
Mga payo nila’y tila kay hirap nang sundin

Kalokohan nga naman, o kay hirap tanggalin
Mga kasarapan sa mundo’y tila kay sarap langhapin
Walang tigil sa kasiyahan kahit isa lamang itong pansamantala
Kahit ang mga nagmamahal ay nahihirapan at lumuluha

Pinagsasabihan ako noong ako’y bago pa lamang dito
Wala akong naririnig, puro ang sagot ko’y “Opo”
Dalawang letrang “P” lang daw ako, sa aki’y sinabi at isinambulat
Tanong nila; “Ikaw ba’y aming PAG-ASA o isang PABIGAT?”

Ilang taon din ako’y nagpakasasa at nagpakasaya
Wala na akong pakialam at tila naging isa nang walang hiya
Gastos dito, gastos doon, wala na yatang kapaguran
Tila nabulag na at di na alam tahakin ang tamang daanan

Mula sapol, ako’y pinalaking matino
Ngunit ngayon, isa nang mistulang gago
Paghihirap nila’y tila wala nang katapusan
Sila na ata ang may masmabigat na pasan

Unti-unti’y nakikita na ng mga matang ito
Mga kalokoha’y sa araw-araw na ginagawa ko
Ngunit sa nakikita ko’y mistulang huli na ang lahat
Kung makapagbabago’y tila hindi na ata sapat

Lubhang mahirap ipagpatuloy ang nasira nang bukas
Paano kung ang ngayo’y bigyan ko nang kaukulang wakas?
Tila kung anu-ano na ang naiisip ng utak kong ito
Kaliwa’t kanan na mga problema’y sadyang kaygulo

Ilang araw, ilang buwan, ilang taon kong itinago
Nakatago sa mga ngiti ang lungkot na pasan ko
Walang nakaaalam na tila meron akong plano
Sa huli’y tila maraming tao ang sa aki’y nakaturo

Kay sarap pagmasdan ng mga taong kaysaya
Sa kapaligiran ko’y tila ang lungkot ay di makita
Napakadaming tao ang nakatingin lamang sa akin
Di ko na kayang pigilan ang hapdi ng damdamin

Sadya talagang nakatutuwa ang buhay
May iba’t ibang disenyo at may iba’t ibang kulay
Sariling gawain kung ito ba’y isang langit o impiyerno
Wag sanang sayangin kahit isa lamang segundo

Kung maibabalik ko lamang ang aking nakaraan
Kung alam ko lang noon ang bunga ng kinabukasan
Siguradong wala ako ngayon sa aking kinatatayuan
Na kung saa’y maraming tao ang nagsisipagtinginan

Tapos na ang oras nang aking paghihintay
Ipikit ang mga mata at huminga ng malumanay
Sa wakas ay matatapos na ang matagal ko nang ikinahihiya
Sana sa pagdilat ng mga mata’y makakita pa ng huling pag-asa

…Wakas
January 4, 2008

No comments:

Post a Comment